Pangulong Duterte, iniutos ang back channeling talks sa CPP

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang back channeling talks kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chairperson Jose Maria Sison.

Ang kumpirmasyon ay mula mismo sa inutusan ng Pangulo para isagawa ang pakikipag-usap, sa katauhan ni dating Philippine Coconut Authority (PCA) Administrator at ngayon ay MTRCB board member Billy Andal.

Ayon kay Andal, sa isang lamay na dinaluhan nila ni Pangulong Duterte noong isang linggo inisyu ang utos sa kanya ng Chief Executive na kanyang ikinagulat.

Naniniwala si Andal, na posibleng ang pagiging dating magkasama nila ni Sison sa CPP ang nakita sa kanya ng Pangulo, upang siya ay utusan na pangunahan ang back channeling talks sa CPP-NPA.

Kaugnay nito ay inihayag ni Andal, na may nakausap na siya sa hanay ng CPP-NPA at positibo naman ang pagtanggap sa nasabing development.

Naniniwala si Andal, na hindi militarization ang sagot upang makamit ang kapayapaan sa bansa kundi ang sinserong peace talks sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.

Tatlong beses naging political detainee sa panahon ng Martial Law si Andal, na isang student activist ng dekada 70 at isa sa founder ng Partido ng Bayan. | ulat ni Alvin Baltazar