Pres. Duterte, iniatas na gawing voluntary ang pagbabayad ng OFWs sa PhilHealth premiums

Initaas ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing boluntaryo na lamang ang pagbabayad ng mga OFWs ng kanilang PhilHealth Premiums.

Ito ay kasunod na rin ng inilabas na circular ng PhilHealth kung saan nakasaad na ang mga OFWs na mayroong monthly income na naglalaro sa P10,000 hanggang P60,000 ay itataas sa 3% ang kanilang premium payment simula ngayong taon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi ng Pangulo na habang nasa gitna ng health crisis ang buong mundo, huwag nang patawan pa ng karagdagang pahirap ang mga OFWs lalo’t karamihan sa mga ito ay na-repatriate na at nawalan ng trabaho.

Alinsunod dito, una na rin aniyang sinuspinde ng Department of Health (DOH) ang probisyon sa Universal Health Care Law kaugnay sa increase ng premium payments ng mga OFWs.

Sinabi rin ng kalihim na inanunsyo na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na hindi na gagawing requirement ang pagbabayad ng PhilHealth premium para maisyuhan ng Overseas Employment Certificate (OEC) ang mga OFW para makalabas ng bansa.