Pangulong Duterte, inatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno at GOCCs na tugunan ang mga hinaing ng publiko

Ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno kabilang ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) na tugunan na sa lalong madaling panahon ang mga pangangailangan ng publiko.

Sa bisa ng Memorandum Circular number 44 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa bisa na rin ng utos ng Pangulong Duterte nitong May 4, inaatasan ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan at GOCCs na tapusin sa loob ng labinlimang araw ang lahat ng request, papeles at mga hinaing ng publiko sa kani-kanilang mga opisina.

Alinsunod aniya ito sa nakasaad sa Section 5a ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na nagmamandato sa mga public officials at employees.

Matatandaang ilang beses nang nabanggit ng Pangulong Duterte sa kanyang mga talumpati na kailangang pabilisin ang serbisyo ng mga frontline government agencies nang matugunan kaagad ang mga pangangailangan ng mamamayang Pilipino. | via Nimfa Mae Asuncion