Pangulong Duterte, hinimok ang kapwa ASEAN leaders na magkaisa upang matulungan ang Rohingya refugee

Ginarantiya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong suporta nito sa mga ginagawang hakbang ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pagbibigay ng humanitarian assistance para sa mga apektadong komunidad ng Rakhine state.

Sa intervention ng Pangulo sa isinagawang working dinner kasama ang iba pang ASEAN leaders, hinikayat din ng Presidente ang kanyang mga kapwa lider na magtulungan upang alamin ang pinagmulan ng karahasan sa Western Myanmar.

Bukod dito’y umapela din ang Pangulong Duterte sa paglikha ng isang kaaya-ayang komunidad, para sa mga naapektuhan ng gulo at matulungang makabangon upang makapagsimula ng panibagong buhay.

Ang krisis sa Rohingya ang itinuturing na pinakamalalang humanitarian crisis sa East Asia.

Tinatayang nasa 720,000 Rohingya refugee ang nagpilit na makarating ng Bangladesh at ngayon ay nasa Cox’s Bazaar, na itinuturing na pinakamalaki ngayong refuge settlement sa buong mundo. | ulat ni Alvin Baltazar