Pangulong Duterte, hindi pinayagan si Sec. Diokno na dumalo sa imbestigasyon ng Kamara sa umano’y pork insertions sa 2019 Budget

Inamin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi pinayagan si Budget Secretary Benjamin Diokno na magpakita sa pagdinig ng Kamara tungkol sa sinasabing pork insertions sa Proposed 2019 National Budget.

Itinakda ang pagdinig sa Enero 3 ng susunod na taon sa lunsod ng Naga na dito’y inaasahang mabubusisi ang umano’y pagpabor sa ilang contractor para sa maraming government projects.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi pinasisipot sa pagdinig ang hepe ng Department of Budget and Management (DBM) at hindi aniya malayong si Pangulong Duterte ang nag-utos nito dahil wala nang ibang mas mataas pa kay Diokno kundi ang Presidente.

Dahil dito, magsusumite na lamang ng affidavit si Secretary Diokno sa Kamara.

Ang hindi magandang trato sa kanya noong sumalang ang Kalihim sa Question Hour sa Kamara ayon kay Panelo ang pangunahing dahilan kaya ito’y hindi na dapat pang magpakita sa Kongreso.

Kumbinsido naman ang Malacañang na diversionary tactic lamang ng Kamara ang isyu sa kalihim para ilihis ang atensyon ng publiko palayo sa mga mambabatas kasunod ng mga alegasyon ni Senador Panfilo Lacson na may mga pork insertions sa 2019 budget.  | ulat ni Alvin Baltazar