Pangulong Duterte, hindi makikialam sa hakbang ng DOJ na mapasailalim sa WPP si Janet Napoles

Hindi manghihimasok si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ikinukonsiderang hakbang na maisailalim sa Witness Protection Program o WPP si Janet Lim-Napoles.

Sa talumpati kagabi ng Chief Executive, sinabi nitong diskarte na ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre kung ano ang posibleng maging papel ni Napoles sa nabubuksan ngayong isyu sa PDAF Scam.

Natatawang inihayag ni Pangulong Duterte, bakit ba nasabit sa isyu ang DOJ Chief sabay sabi na bahala na ang Kalihim sa usapin kung paano nito titindigan ang isyu sa tinaguriang pork barrel queen.

Kamakalawa ay sinabi ni Aguirre na hindi most guilty si Napoles sa kontrobersiya, dahilan upang ikonsidera itong maisailalim sa WPP at maging isang state witness.

Pinalagan naman ito ni Atty Levito Baligod at sinabing isang undue favor ang isinusulong ngayon ng DOJ sa mastermind ng PDAF scam. | via Alvin Baltazar