Pangulong Duterte, handang mag-resign kung mapapatunayang mayorya ng mga kababaihan ay nasaktan sa kontrobersiyal na paghalik nito sa isang OFW kamakailan

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kritiko na maglabas ng petisyon kaugnay ng kanyang ginawang paghalik sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa South Korea kamakailan.

Ayon sa Chief Executive, handa siyang magbitiw sa pwesto kung maraming lalagda sa petisyon na kanyang iminumungkahing ilabas ng kanyang mga kritiko.

Sinabi ng Pangulo na ipapaubaya niya sa hanay ng mga kababaihan ang pagpapakalat ng petisyon at kung sakaling makakalap ng maraming lagda, magbibitiw siya sa pwesto.

Bukod dito ay sinabi rin ng Presidente na maaari ding matanong ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sarah Duterte-Carpio kung nasaktan ba ito sa eksena.

Una nang inihayag ng Pangulo na hindi isyu ang nasabing kontrobersiya sa mga taong nakakakilala sa kanya partikular sa mga taga-Davao gayung karaniwang eksena lang aniya ang pagyakap at paghalik na kanyang ginagawa kahit sa mga may-sakit bilang pagbibigay importansiya sa mga kababaihan. | ulat ni Alvin Baltazar