Pangulong Duterte, galit sa pagkawala ng mahigit sa 23,000 sako ng kontrabandong bigas sa Zamboanga port

Galit si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakawala ng mahigit sa 23,000 sako ng bigas na una nang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa Zamboanga port.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, dismayado ang Pangulo sa insidente na pinaniniwalaan nilang may sabwatan sa pagitan mismo ng BOC at ng National Food Authority (NFA).

Sinabi ni Roque na agad silang nakipag-ugnayan kay BOC Commissioner Isidro Lapeña na umaksiyon naman sa pangyayari sa pamamagitan ng pagsuspinde kay Customs Zamboanga District Collector Lyceum Martinez.

Bukod dito’y sibak din sa puwesto ang police customs officer sa Zamboanga na kinilalang isang Felicisimo Salazar.

Kaugnay nito’y hinihintay pa rin hanggang sa ngayon ng Palasyo ang paliwanag naman ng NFA tungkol sa insidente. | ulat ni Alvin Baltazar