Pangulong Duterte, dumalo sa ika-120 anibersaryo ng Philippine Navy

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ika-120 anibersaryo ng Philippine Navy.

Ginawa ang programa sa Coconut Palace, CCP Complex sa Pasay City.

Dito ay ginawaran ng Pangulo ng Order of Lapu-Lapu (Kamagi Medal) ang anim na opisyal ng Philippine Navy.

Ilan sa mga ito ang namuno sa tropa ng Navy at Marines noong kasagsagan ng giyera sa Marawi City, isang taon na ang nakalilipas.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan at kinilala ng Pangulo ang kabayanihang pinamalas ng 36 na marines na nagbuwis ng buhay para mapalaya ang lungsod mula sa teroristang grupong Maute-ISIS.

Kasabay nito ay muling inako ng Pangulo ang buong responsibilidad sa nangyaring giyera sa Marawi.

Ayon sa Pangulo, hindi niya inasahan na magiging ganoon kalaki ang gulo at ganoon karami ang dalang ordinance ng mga terorista.

Inanunsyo rin dito ng Pangulo ang nakatakdang pagbibigay ng bansang Jordan ng dalawang cobra helicopter sa militar. | via Nimfa Mae Asuncion