Pangulong Duterte, dismayado sa pagkakaipit ng pondo para sa 2019

Dismayado si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nagaganap ngayon tungkol sa isyu ng budget delay.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi lamang ang pagkakabalam ng proposed 2019 national budget ang hindi nagugustuhan ng Presidente, kundi pati na ang mga akusasyon, sa gitna ng pagkakaantala ng pondo para sa susunod na taon.

Kasakiman sa salapi kung tutuusin ayon kay Panelo ang puno’t dulo ng problema sa isyu ngayon ng pondo ng bayan, lalo’t kailangan ng pera ngayong panahon na naman ng eleksiyon.

Sabi ng tagapagsalita, maaaring pera ang rason kung bakit napakaraming naglulutangang reklamo sa kasalukuyan tungkol sa pondo, na aniya’y kailangang kailangan para sa nalalapit na halalan.

Ito naman daw ang karaniwang laro sa Kongreso at sa mundo ng pulitika, dangan lang at nasasakripisyo ang pondong dapat sana’y magagamit para sa taong bayan. | ulat ni Alvin Baltazar