Pangulong Duterte, dismayado sa natuklasang anomalya sa V. Luna Medical Center

“Ballistic,” ganyan inilarawan ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang reaksyon ng Pangulong Rodrigo Duterte nang mabalitaan ang milyun-milyong pisong halaga ng ghost deliveries ng medical equipment sa V. Luna hospital.

Ayon kay Roque, sobrang nagalit ang Pangulo dahil naging prayoridad na niya ang pagbibigay ng ayuda sa V. Luna Hospital sa mga unang buwan pa lamang ng kanyang administrasyon bilang tulong na rin sa mga sugatang sundalo.

Kung matatandaan, laging binabanggit ng Pangulo sa kasundaluhan ang limampung milyong pisong ayudang binibigay ng gobyerno kada buwan para sa mga kailangang medical equipment at gamot para sa kanila.

Giit ni Roque, hindi ito maituturing na isang isolated transaction dahil base sa resulta ng imbestigasyon ay matagal nang nangyayari ang ganito sa V. Luna Medical Center.

Bunsod nga nito ay agad na pinasisibak ng Pangulong Duterte ang mga opisyal ng Health Service Command (HSC) at V. Luna Medical Center.

Base sa pinakahuling report ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Carlito Galvez, nasa 20 opisyal ng Sandatahang Lakas ang inisyuhan na ng relief orders at isinailalim sa court martial proceedings kabilang ang commander ng AFP Health Service Commander Brig. General Edwin Leo Torrelavega, V. Luna Medical Center Commander Col. Antonio Punzalan, chief ng Management and Physical Office, at ang Logistics Office ng AFP-HSC.

Halos 1.5 milyong pisong halaga ng hospital equipment ang nadiskubreng pawang mga multo o ghostly delivered, maliban pa ito sa serye ng iba pang transaksyon ng ospital mula sa mga pekeng suppliers. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion