Pangulong Duterte, bubuo ng Asian 3-man panel of experts para magsagawa ng sariling imbestigasyon sa isyu ng Dengvaxia 

Bubuo na ang Malacañang ng 3-man panel of experts na magsasagawa ng sariling imbestigasyon nito tungkol sa Dengvaxia issue.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, isa ito sa mga napag-usapan sa naging Cabinet meeting kagabi sa Malacañang.

Sinabi rin ni Roque na ang binuong panel ay bubuuin ng mga Asyano na walang anumang koneksyon sa Sanofi at gobyerno ng Pilipinas.

Ayaw rin aniya ng Pangulo na makasama sa imbestigasyon ang sinumang Westerner o sinumang mula sa mga kanluraning bansa gaya ng Amerika at Europa.

Ang magiging resulta aniya ng imbestigasyon ng binuong 3-man panel of experts ang magiging basehan ng Pangulong Duterte sa magiging aksyon tungkol sa isyu ng Dengvaxia vaccine.

Paliwanag ni Roque, napilitan ang Pangulo na manghingi ng opinyon mula sa mga independent experts dahil sa conflicting o magkakasalungat na resulta ng imbestigasyon ng Public Attorneys Office (PAO) at ng mga eksperto ng Philippine General Hospital (PGH).

Samantala, suportado aniya ng Pangulo ang lahat ng hakbang ng Department of Health (DOH), kabilang na ang paghingi ng batas mula sa Kongreso para magamit ang isang bilyong piso na ni-refund ng Sanofi Pasteur sa gobyerno ng Pilipinas sa mga naging biktima ng Dengvaxia. | via Nimfa Mae Asuncion