Pangulong Duterte, biyaheng Singapore sa susunod na linggo para sa preparatory meetings ng ASEAN summit 2018  

Biyaheng Singapore sa susunod na linggo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang pangunahan ang delegasyon ng bansa sa ilang inisyal na pagpupulong sa 32nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit mula April 25 hanggang April 28.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary on ASEAN affairs Hellen De La Vega, dalawang malalaking event ang dadaluhan ng Pangulo sa naturang summit, kabilang ang isang working dinner kasama ang mga liderato ng ibang member states sa April 27 at ang leaders retreat sa April 28.

Nakasentro ang tema ng ASEAN 2018 sa “resilience and innovation,” kung saan ay ilalatag ng host country na Singapore ang kanilang mga inisyatibo ukol sa city development, sustainable urbanization at connectivity sa mga ASEAN countries.

Kaugnay nito, ilang mahahalagang regional at global issues ang posibleng talakayin din ng mga lider kabilang ang usapin sa peace security, terrorism, disaster management at illegal drugs.

Inaasahan naman na magbibigay rin ng talumpati ang Pangulo sa naturang summit, kung saan ay ihahayag nito ang napagtagumpayan ng ASEAN chairmanship noong nakaraang taon kabilang ang ASEAN consensus sa proteksyon ng karapatan ng mga migrant workers.

Posible ring magkaroon ng bilateral meetings ang Pangulo sa sidelines ng preparatory meetings, kabilang dito ang meeting kay Singapore Prime Minister Lee shien loong.

Ayon pa sa DFA ay maaaring masama rin sa itinerary ng Pangulo ang pakikipagkita nito sa Filipino community sa Singapore. | via Merry Ann Bastasa