Pangulong Duterte, bibisita sa Russia sa Oktubre ayon kay SFA Teodoro Locsin

Bibisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia sa susunod na buwan.

Sinabi yan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa pagdinig ng Senado sa ₱22.65 billion na panukalang budget ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa taong 2020.

Ayon kay Locsin, pupunta ang Pangulo sa Russia, para makabawi sa naunsiyami niyang first official visit sa naturang bansa noong 2017 dahil sa nangyaring kaguluhan noon sa Marawi.

Nabanggit pa ng kalihim na kabilang sa mga tumulong sa ating bansa na mabawi ang Marawi city mula sa mga terorista ay ang Russia, US, Australia at China.

Una na ring nabanggit ni Russian Presidential Aide Yuri Ushakov, na isa si Pangulong Duterte sa mga posibleng dumalo sa forum ng Valdai Discussion Club ngayong Oktubre.