Pangulong Duterte at JIL Leader Bro. Eddie Villanueva, nagkaharap kagabi sa Palasyo

Nagkaharap si Pangulong Rodrigo Duterte at Jesus is Lord Leader Bro. Eddie Villanueva kagabi sa Palasyo ng MalacaƱang.

Kasama sa private meeting si Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at Atty. Angelino Villanueva.

Sa nasabing pulong ipinaliwanag ng Pangulong Duterte kay Bro. Villanueva ang kanyang saloobin kaugnay sa sarili nitong interpretasyon sa pagkakakilala nito sa Diyos.

Pinakinggan naman ni Villanueva ang paliwanag ng Pangulo bilang respeto sa lider ng bansa.

Pagkatapos ng balitaktakan ng dalawang lider nagpaunlak naman ang Pangulo na ipanalangin siya ni Villanueva bago sila tuluyang maghiwalay.

Matatandaang hayagang sinabi ni Villanueva sa isang panayam na nilabag ng Pangulong Duterte ang Saligang Batas matapos ang kontrobersyal na “stupid God” statement ng Pangulo.

Noong Lunes, inanyayahan din ng Pangulo sa MalacaƱang si Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President Romulo Valles sa isang pribadong diyalogo.

Nagkasundo ang dalawa na huwag gamitin ng simbahan ang pulpito para batikusin ang pamahalan habang ititigil naman umano ng Pangulo ang pag-atake laban sa kaparian at Simbahang katolika. | ulat ni Alvin Baltazar