Pangulong Duterte, aminadong “bulok” managalog

Kay Pangulong Rodrigo Duterte na mismo nanggaling na hindi siya ganung kagaling sa pagsasalita ng wikang Tagalog.

Sa event nito kagabi sa Capiz, pahapyaw na nailarawan ng Presidente ang kanyang Tagalog proficiency o kasanayan sa pagsasalita ng Pambansang Wika na Pilipino.

Ayon mismo sa Chief Executive, bulok ang kanyang Tagalog na kasingkahulugan na sadyang may problema siya sa pagsasalita nito at hindi siya eksperto sa naturang lengguwahe.

Matatandaang nito lang mga nakaraang araw ay may mga lumabas na ulat na umamin umano ang Punong Ehekutibo na siya ang nag-utos para i-ambush si dating Daanbantayan Mayor Vicente Loot.

Pero paliwanag ni Chief Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, walang gayung pag-amin ang Pangulo at sa halip, ang naging pahayag nito ay bunga ng hindi pagiging sanay nitong managalog kaya’t naiba ang nais iparating ng Presidente sa naging speech nito noong Martes.