Pangulo, ikukonsidera ang pag-lift ng suspensyon ng STL operation

Pinag-aaralan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte kung muling papayagan ang operasyon ng STL.

Sa ika-118 anibersaryo ng police operation ng Philippine National Police (PNP), sinabi ng Pangulo na basta’t masisiguro raw na walang bahid ng korupsyon sa operasyon nito ay maaari niyang ikunsidera.

Ngunit, kung hindi raw siya kuntento at nananatili pa rin ang mga nagmamanipula nito, ay hindi raw niya ito papayagan.

Ayon sa Pangulo, bagamat mali ang gambling o sugal, pinapayagan naman raw ito ng batas kaya’t wala siyang magagawa dito.

Ang hiling lang niya ay huwag naman sanang dayain ang gobyerno at ibigay ang nararapat para dito.

Sinabi ng Pangulo, na mayroon siyang paraan para matiyak na makukuha ng pamahalaan ang nararapat na share nito, ngunit hindi niya muna ito idinetalye.

Wala rin daw siyang problema sa mga pulis na may ari ng STL operation basta’t legal, walang korupsyon at hindi nila ini-intimidate ang kanilang mga ka-kompetensya.