Pangulo, hindi kailangang humingi ng paumanhin kaugnay ng kanyang kasambahay remarks

Walang nakikitang dahilan ang Malacañang para ihingi ng tawad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging kuwento nito tungkol sa umano’y dati nilang kasambahay.

Inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na hindi naman nila nakitang hinamak o pinababa ng Pangulo ang pagtingin nito sa mga kasambahay kasunod ng naging kuwento nito na kathang isip lang.

Hindi rin maituturing na mahalay ang naging pahayag ng Presidente na ayon kay Panelo, mismong kanyang kasambahay ay natawa sa kasambahay remarks ng Pangulo.

Mga “ultra conservative” lang aniya ang apektado ng mga ganung pahayag ng Punong Ehekutibo, na ang layon lang naman ay pagaanin ang bigat ng isang mensahe.

Muling binigyang diin ni Panelo, na biro lang at kwento lang ang gayung salita ng Presidente na ang layunin ay ilahad ang pagiging ipokrito ng ilang mga pari. | ulat ni Alvin Baltazar