Pangilinan, hinihikayat si Sereno na maghain ng ikalawang motion for reconsideration

Hinihikayat ni Liberal Party President Senator Francis Kiko Pangilinan si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na maghain ng ikalawang motion for reconsideration.

Para ito sa desisyon ng Supreme Court na nagpapatibay sa nauna nitong pasya na nagpapatalsik kay Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition.

Ipinaliwanag ni Pangilinan na nagkaroon ng pagkakataon sa ibang mga kaso na tinanggap ng Korte Suprema ang ilan pang motion for reconsideration at hindi lamang isa.

Umaasa si Pangilinan na dahil dikit ang resulta ng botohan ng mga mahistrado ay mababago pa ito kung muling aapela si Sereno.

Ayon kay Pangilinan, posibleng magbago ng isip ang iba sa walong mahistrado na bumoto pabor sa pagpapatalsik kay Sereno para kilalanin na impeachment lamang ang tanging paraan para matanggal sa pwesto ang isang impeachable officer. | ulat ni Jojo Ismael

Photo courtesy: PhilippinesNow.org