Pangatlong quarantine facility ng PRO-3, pinasinayaan ni Eleazar

Pinangunahan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar at Pampanga Governor Dennis Pineda ang pagpapasinaya ng pangatlong quarantine facility ng Police Regional Office (PRO) 3 kahapon.

Ayon kay PRO 3 Regional Director PBgen. Val Deleon, ang bagong pasilidad sa Camp Captain Julian Olivas, San Fernando, Pampanga ay pakikibabangan ng kanilang mga tauhan na tinamaan ng COVID-19 sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Ang gusali na may walong kwarto ay itinayo ng PRO 3 sa tulong ng provincial government ng Pampanga.

Sinabi ni BGen. De Leon dinagdagan nila ang kanilang mga quarantine facilities bilang bahagi ng pagsulong ng “contain, reduce, and prevent strategy” ng pamahalaan laban sa COVID-19 sa Central Luzon.

Sa tala ng PNP Health Service kahapon, 26,828 na ang tauhan ng PNP na tinamaan ng COVID-19, kung saan 24,890 ang nakarekober, 1,867 ang aktibong kaso at 71 ang nasawi.