Pangatlong bidding sa pag-angkat ng 203,000 MT ng bigas, bigo na naman – NFA

Bigo na naman sa ikatlong pagkakataon ang National Food Authority (NFA) na makakuha ng winning bidder para sa importasyon ng 203,000 metric tons ng bigas.

Bagamat lumahok na ang bansang Vietnam at Thailand sa bidding kanina pero hindi naman nagkasundo sa alok na presyo.

Mas mataas pa rin ang alok na presyo ng dalawang bansa sa $447.88 reference price ng gobyerno.

Ayon kay Assistant Administrator Ma. Mercedes Yacapin, pag-uusapan muli ng NFA Council kung kinakailangan na magbago sila ng kanilang reference price.

Aniya, ang reference price nila ay nakabatay sa presyuhan sa merkado at iba pang incidental price.

Titiyakin ng NFA na magpapatawag muli ng bidding ngayong buwan, at para makapag-angkat ng bigas na aasahang darating sa bansa sa Disyembre 31 o hindi kaya ay sa buwan ng Enero ng susunod na taon.

Magugunita na sa unang bidding ay 47,000 MT lamang mula sa target na 250,000 ang nabili ng gobyerno mula sa ilang supplier mula Vietnam at Thailand.

Ang balanse na 203,000 ang isinasailalim ngayon sa bidding.

Noong gawin ang pangalawang bidding, parehong hindi nagpasok ng bid offer ang Vietnam at Thailand, dahil hindi nagkasundo sa Terms of Reference.  | ulat ni Rey Ferrer