Pangambang makadagdag sa inflation ang nakaambang fare increase, pinawi ng Palasyo

Pinawi ng Malacañang ang pangamba na maaaring makadagdag sa inflation rate ang napipintong pagtataas sa pamasahe sa susunod na buwan.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na pansamantala lamang naman ang nararanasang pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Babalik din ani Panelo sa dati ang lahat at pinanghahawakan aniya nila dito ang pahayag ng mga economic managers na ang iniindang pagsipa sa presyo ng mga pangunahing bilihin ay pansamantala lamang.

Pero sa ngayon sabi ni Panelo, walang dapat na maaaring gawin kundi ang harapin na muna ang sitwasyon tungkol sa inflation at ang nakaambang fare increase sa jeep at bus.

Inaasahang papalo na sa P10 piso ang minimum na pasahe sa jeep habang P13 piso naman sa mga pampublikong bus.  | ulat ni Alvin Baltazar