Pangamba ng mga pinalayang preso na hindi nakinabang sa GCTA, pinawi ng PNP 

Pinawi ng Philippine National Police (PNP) ang pangamba ng mga pinalayang preso na hindi nakinabang sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), pero sumuko pa rin sa mga awtoridad.

Ayon kay PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Bernard Banac yung mga presong sumuko at na-clear na, ay hindi na magiging subject ng manhunt operations ng PNP.

Ang pahayag ni Banac ay matapos na ibunyag ng Department of Justice (DOJ) na marami sa mga ex-convict na nagsisuko sa kanila ang ayaw nang umalis sa National Bilibid Prison (NBP) kahit sila ay na-clear na at hindi kabilang sa mga pinaghahanap na presong napalaya dahil sa GCTA.

Sinabi ni DOJ Spokesman Undersecretary Mark Perete na kaya ayaw umalis ng NBP ang mga sumukong ex-convict kahit wala sila sa listahan ng mga wanted na preso ng Bureau of Corrections (BuCor) ay dahil nangangamba ang mga ito sa kanilang kaligtasan.

Tiniyak naman ni Banac na walang dapat ikabahala ang mga naturang preso, dahil tanging ang mga nasa bagong listahan na ibibigay sa kanila ng DOJ ang kanilang tutugisin.

Pero humihingi pa rin ng sertipikasyon ang mga naturang preso mula sa BuCor na sila ay cleared na, para maipakita sa mga pulis kung saka-sakali na sila ay muling arestohin.