Pangalawang pagsabog sa labas ng Jolo Cathedral, posibleng gawa ng suicide bomber — Lorenzana 

Inamin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na posibleng suicide bomber ang responsable sa pangalawang pagsabog sa labas ng Jolo Cathedral noong Linggo.

Ito ang sinabi ng kalihim matapos ibunyag ng Pangulong Rodrigo Duterte kahapon na mag-asawang suicide bomber ang responsable sa dalawang pagsabog sa naturang simbahan.

Paliwanag ni Lorenzana, nakakalat sa lugar ng pangalawang pagsabog sa labas ng simbahan ang luray-luray na parte ng katawan kabilang ang kalahating mukha at leeg at dalawang paa, na sinisikap pang kilalanin ng SOCO.

Bukod dito, nakuha din sa pangalawang blast site ang putol na katawan ng isang sundalo.

Indikasyon aniya ito na maaring suicide bomber nga ang nagpasabog ng pangalawang bomba, isa’t kalahating minuto matapos sumabog ang unang bomba sa loob ng simbahan.

Ayon pa sa kalihim, isang babae naman ang nag-iwan ng bag na naglalaman ng unang bomba sa “pew” na batay sa salaysay ng testigo na nakaupo ng apat na hilera sa likod ng unang pagsabog.   | ulat ni Leo Sarne