Pangalawang missile frigate ng Pilipinas, darating sa susunod na taon

Sa January o February ng susunod na taon na darating ang pangalawang Missile Frigate ng Philippine Navy, ang BRP Antonio Luna (FF151).

Ang BRP Antonio Luna, na ginawa ng Hyundai Heavy Industries ng South Korea, ang sister ship ng BRP Jose Rizal (FF150) na kababalik lang sa bansa noong September 23, matapos ang matagumpay niyang unang misyon na paglahok sa RIMPAC20 naval exercise sa Hawaii.

Iniulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gilbert Gapay, na nakapasa na sa unang Sea trials ang BRP Antonio Luna noong September 24 hanggang 29, sa karagatan ng South Korea.

Nakatakda sana itong i-deliver ngayong October, pero dahil sa umiiral na pandemya, sinabi ni Gapay na naging prayoridad ang pagtugon sa COVID-19.

Sinabi ni Gapay, na sa pagdating ng bagong barko ay inaasahang mapapalakas ang anti-air warfare (AAW), anti-surface warfare (ASUW), anti-submarine warfare (ASW), at electronic warfare (EW) operations ng Philippine Navy.

Nagpasalamat naman si Gapay kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa todong suporta sa AFP modernization program.

Sinabi ni Gapay, na ang puspusang pagsulong ng pambansang pamahalaan ng AFP modernization program ang susi para maipanalo ang laban kontra terorismo sa bansa.