Pangalan ng police applicants, ilalathala bilang bahagi ng screening process – PNP chief

Ilalathala na sa mga pahayagan at maging sa social media ang pangalan ng police applicants bilang bahagi ng screening process.

Ito ang inanunsyo ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa kanyang regular Monday press conference matapos ang sunud-sunod na kaso na kinasasangkutan ng mga police officer 1 (PO1).

Ayon sa PNP chief, ang involvement ng mga bagitong pulis sa ilang mga kaso ay patunay lang na may problema sa recruitment at hindi nasasala nang husto ang mga nag-aaplay sa PNP.

Para masiguro na matitino lang ang makakapasok sa PNP, ilalathala na aniya ng PNP ang pangalan ng mga aplikante para kung may nakakikilala sa mga ito bilang may masamang pagkatao ay maaaring maipaalam ito sa PNP.

Bukod dito, pananagutin din ang mga miyembro ng PNP na nagsagawa ng background check sa aplikante na nasangkot sa kalokohan kapag sila ay naging pulis.

Ilan pa sa mga repormang ipatutupad ay ang paggamit ng bar code sa psychological tests ng aplikante para masiguro na hindi ito madodoktor.

Ayon sa PNP chief, ito ay para masiguro na tanging mga aplikante na nasa matinong katinuan ang makakapasok sa PNP. | ulat ni Leo Sarne