Pangalan ng “drug queen” na pinagpapasahan ng droga ng ninja cops, kinumpirma

Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Mgen Guillermo Eleazar na ang tinutukoy na “drug queen” sa imbestigasyon ng Senado ay si Guia Gomez-Castro, ang inihalal na barangay chairperson ng Barangay 484, Zone 48, sa Sampaloc, Manila.

Ito ay kasunod ng pagbubunyag ni Eleazar kahapon ng mga pangalan ng mga ninja cop, na umano’y nagpapasa ng kanilang mga nakakumpiskang droga sa naturang “drug queen”.

Ayon kay Eleazar, base sa kanilang monitoring, hindi na nakapanumpa sa kanyang tungkulin si Castro matapos ang 2018 barangay elections, at ito ay nasa labas na ng bansa.

Sinabi ni Eleazar, na si Castro din ang tinutukoy ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino na nagbebenta ng mahigit P13 milyon halaga ng shabu kada linggo sa dalawang kalye sa Sampaloc, Maynila.

Kahapon ay inilabas ni Eleazar ang link diagram, na nag-uugnay sa 16 na ninja cops sa naturang “drug queen”.

Sa mga naturang “ninja cops”, siyam ang patay na, dalawa ang retirado, dalawa ang dismissed sa serbisyo, dalawa ang AWOL, at ang isa na kinilalang si Corporal Jolly Aliangan ay nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI), matapos na maaresto sa operasyon.

Bukod dito, sinabi ni Eleazar na minomonitor nila sa kasalukuyan ang 22 iba pang pulis, lima sa mga ito ang nasa Metro Manila, sa posibleng pagkakasangkot sa recycling ng droga.