Pangakong pagpapalaya ng bihag na sundalo at CAFGU ng NPA, welcome sa Palasyo

Ikinatuwa ng Palasyo ang binitiwang salita ng CPP/NPA, na handa nitong palayain ang dalawang sundalo at 12 CAFGU sa Agusan del Sur.

Ito ang reaksiyon ng Palasyo sa naging pahayag ni CPP Founding Chair Jose Maria Sison, kasabay ng pagsasabing dapat itigil ng militar ang kanilang opensiba.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, welcome sa kanila ang aniya’y “goodwill gesture” ng grupong makakaliwa.

Sana lang ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, ay itigil na rin ng mga rebelde ang pag-atake sa tropa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) nang sa gayon ay matigil na ang karahasan.

Nito lamang Miyerkules nang umatake ang 50 hanggang 80 miyembro ng NPA sa Brgy. New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur kung saan, natangay din ng armadong grupo ang lahat ng armas ng puwersa ng pamahalaan. | ulat ni Alvin Baltazar