Pang-limang batch ng bakuna, hinatid ng militar sa Sulu at Tawi-Tawi

Nakarating na kahapon ang pang-limang batch ng bakuna sa Sulu at Tawi-Tawi sa tulong ng Western Mindanao Command (WestMinCom) at Philippine Air Force (PAF).

Ayon kay WestMinCom Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., isang PAF C-295 Transport plane ang nagdala ng dalawang kahon ng AstraZeneca na bakuna sa dalawang lalawigan.

Ang bawat kahon ay naglalaman ng 2,080 dose ng bakuna na nai-turn over ng militar sa mga health officer ng naturang mga lalawigan.

Ayon kay Col. Dennis Estrella, Commander ng Tactical Operations Wing-Western Mindanao, tuloy-tuloy ang paghahatid ng PAF ng bakuna sa mga pinakamalalayong lugar sa bansa.

Tiniyak naman ni Lt. Gen. Vinluan ang buong suporta ng militar sa vaccination program ng pamahalaan kontra sa COVID-19.