Pang. Duterte, tiniyak ang kahandaan ng PH para matamo ang nilalayon ng Code of Conduct sa South China Sea

Committed ang Pilipinas na gawin nito ang kanyang papel bilang Country Coordinator ng ASEAN-China Dialogue Relations hanggang 2021.

Ito ang binigay na garantiya ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang intervention sa working dinner ng mga ASEAN Leaders.

Pagbibigay-diin ng Pangulong Duterte sa harap ng iba pang ASEAN Leaders, nakahanda ang Pilipinas na makipagtrabaho at makipagkaisa tungo sa makabuluhang negosasyon at maagang konklusyon ng Code of Conduct sa South China Sea.

Paniniguro ng Chief Executive, committed din ang bansa sa ganap at epektibong pagsasakatuparan ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.

Ilan dito ang mapayapang resolusyon ng territorial disputes, gumawa ng hakbang upang hindi na lumala pa ang tensyon ganundin ang pagpapairal sa “freedom of navigation and overflight” sa South China Sea batay na rin sa itinatakda ngĀ  international law lalo na ang 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). | ulat ni Alvin Baltazar