Pang-aatake ng CPP-NPA-NDF sa Bicol Region, pagpapakita lang na hindi sila mapagkakatiwalaan — DILG

Hindi hadlang sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pag-atake ng komunistang teroristang grupo sa Bicol region noong Lunes para hindi ituloy ang localized peace negotiations sa local NPA units.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año ipinakikita lamang nito na hindi bumibitiw sa usapin ng kapayapaan ang pamahalaan.

Aniya may mas mapapala pa ang pamahalaan sa localized peace talks kaysa sa pakikipag-usap sa CPP/NPA/NDF dahil ang makakaharap ng mga local chief executives ay mismong mga rebelde sa kanilang nasasakupang lugar.

Sinabi pa ng kalihim hindi nagkukulang ang pamahalaan sa pagsusulong ng tunay na kapayapaan at lahat ng paraan ay ginagawa na nito.

Ang mga serye ng pag-atake ng komunistang teroristang grupo sa tropa ng pamahalaan at istasyon ng pulis sa bayan ng Magallanes sa Sorsogon ay pagpapakita lang ng walang katapatan ng CPP-NPA-NDF.

Mapanlinlang aniya ang mga ito at bukod sa wala talagang saysay na makipag-usap pa sa kanila, ipinapakita na nito ang kanilang totoong kulay. | ulat ni Rey Ferrer