Panawagang balik sesyon, suportado ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco

Kaisa si Marinduque Representative Lord Allan Velasco sa panawagan ng mga senador at iba pang mga kongresista na mag-balik sesyon ang Kamara at pag-tibayin ang  2021 national budget.
 
Sa isang statement, sinabi ni Velasco na “great disservice” sa mga Pilipino ang tila panggigipit sa Executive Department at sa budget para lamang makuha ang personal na ambisyon.
 
Ilang kaalyado naman ni Velasco kabilang sina Buhay Party-list Representative Lito Atienza at AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin ang umaapelang buksan muli ang sesyon para sa 2021 budget upang maiwasan ang mas malalang krisis sa ekonomiya sakaling maging reenacted ang pondo.
 
Isang hiwalay na pulong naman ang ikakasa ng minority bloc sa Kamara kasama ang mga ahensya at departamento na hindi naisalang sa budget deliberations sa plenaryo.
 
Ito anila ay para maipag-patuloy ang mandato nila bilang mga kongresista at magkaroon pa rin ng transparency at accountability sa panukalang pambansang pondo.
 
Ano man ang kalalabasan nito ay kanilang isusumite at igigiit sa binuong small committee.