Panawagan para sa pagpapatuloy ng Build, Build, Build projects, dumarami

Umapela si Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ituloy ang ilang piling Build, Build, Build projects kaakibat ng mahigpit na pagpapatupad sa quarantine guidelines.

Paliwanag ni Castelo, kailangan na samantalahin ng pamahalaan ang natitirang araw sa tag-init para ituloy ang mga nabinbing proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program.

Obligado naman ang mga contractor na isailalim sa test ang mga manggagawa at tauhan sa COVID-19 test at mahigpit na ipatupad ang social distancing sa trabaho at iba pang ECQ protocols.

Mahaharap naman sa suspensyon ng proyekto at multa ang mga contractors na hindi susunod sa hinihinging requirements ng IATF.

Sa hiwalay namang pahayag ay nanawagan rin si Construction Workers Solidarity Party-list Representative Romeo Momo, Sr. sa IATF na payagan na ang paggawa sa government at private construction projects.

Ayon kay Momo base sa  isinagawang ‘business resilliency survey’ ng Philippine Constructors Association Inc. (PCA) sa kanilang sector 74.2% ng respondents ang inihinto ang kanilang operasyon at 44.8%  sa mga ito ang mangangailangan ng tulong pinansyal hanggang sa matapos ang taon

Nasa 41.9% naman ang nahaharap sa problemang pinansyal at tanging 12.9% lamang sa mga ito ang may sapat na pondo.

Ipinadala na ng mambabatas ang resulta ng survey kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar para ma-konsidera ng IATF.

Sinabi ni Momo na maaaring magbalik ang paggawa sa mga construction projects basta’t susunod lamang sa ilalabas na protocol ng IATF.

Pagbibigay-diin pa ng kinatawan na ang paggastos umano ng gobyerno sa infrastructure projects ang dahilan ng malaking paglago ng industriya sa mga nagdaang taon kung saan noong 2019 ay lumago ang construction sector ng 10.9%.