Panawagan ng Pangulo na tiyaking wala nang magiging brownouts, welcome kay Sen. Gatchalian

Suportado ni Senate Energy Committee Chaiperson Senator Sherwin Gatchalian, ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), na hindi na dapat magkaroon ng rotational brownouts.

Ayon kay Gatchalian, bagamat hindi niya alam ang buong detalye ng naging pag-uusap ni Pangulong Duterte at ng NGCP, ay malinaw naman aniya ang mensahe ng punong ehekutibo.

Sinabi ng senator, na sa halip na ikatwiran ng NGCP ang hindi nila pagsunod sa mga polisiya ng gobyerno, dapat ay agad nalang silang sumunod at tiyaking magiging stable at sapat ang suplay ng kuryente, lalo na sa ganitong kritikal na panahon. 

Dapat na rin aniyang umaksyon agad ng Department of Energy (DOE) at ang Energy Regulatory Commission (ERC), upang mapanagot ang mga power industry participant sa hindi nila pagsunod sa mga polisiya ng gobyerno.

Kumpiyansa aniya ang mambabatas, na sa pamamagitan ng marching order na ito ni Pangulong Duterte, ay magtutulungan na ang mga opisina ng gobyernong may kinalaman sa pangangasiwa sa kuryente, at ang mga private operator para matiyak na maiiwasan na ang banta ng brownouts.