Panawagan ng Malacañang kay Senador Trillanes: “Sumunod sa batas”

Hinikayat ng Malacañang si Senator Antonio Trillanes na tumalima sa umiiral na  batas.

Sa gitna ito ng inilabas na warrant of arrest ng  Davao City Regional Trial Court XI Branch 54, bunsod ng kasong libelo na isinampa ni Presidential Son Paolo “Pulong”  Duterte kontra sa mambabatas.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na bilang isang senador, dapat lang na sumunod si Trillanes sa kung ano ang itinatakda ng batas at ng hukuman.

Inihayag ni Panelo na maaring kaya hindi nahahanap ngayon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Trillanes ay dahil nagpalaam na ito sa korte na bumiyahe sa labas ng bansa.

Sa kabila nito ay muling iginiit ni Panelo, na hindi nakikialam ang Palasyo sa kaso ni Trillanes.

Kailanman ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, ay hindi pinanghimasukan ng ehekutibo ang hudikatura sa ngalan ng separation of powers. | ulat ni Alvin Baltazar