Panawagan ng DepEd para sa tax free stipend ng mga guro ngayong eleksyon, kinatigan ni Rep. Karlo Nograles

Nagpahayag ng suporta si House Commitee on Appropriations Chair at Davao City Representative Karlo Nograles sa panawagan ng Department of Education (DepEd) na huwag ng buwisan ang honorarium at allowances ng mga gurong magsisilbi sa paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Kasunod ito ng ruling ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na maaari nitong kaltasan ng limang porsiyento ang poll pay ng DepEd personnel at volunteer teachers bilang withholding tax.

Sa ilalim ng Election Service Reform Act (ESRA), makatatanggap ng anim na libong piso (P6,000) ang public school teachers na uupong electoral board chairperson, limang libong piso (P5,000) naman para sa mga electoral board member, apat na libong piso (P4,000) para sa DepEd supervisor at dalawang libong piso (P2,000) para sa mga support staff.

Ayon kay Nograles, hindi tamang patawan pa ng buwis ang makukuhang sahod ng mga guro sa barangay polls dahil maliit lamang ito kumpara sa bigat ng trabaho at sakripisyo nila sa araw ng halalan. Imbes na buwisan, dapat pa nga umanong itaas ang stipend ng mga ito, bagay na matagal nang apela ni Deped Sec. Briones.

Aniya, kung bibigyang halaga ng Comelec ang malaking gampanin ng mga guro na katuwang nito tuwing halalan, magiging makatwiran para sa komisyon ang bigyan ang mga guro ng mataas sahod.

Sa kanya namang panig, nangako ang mambabatas na patuloy na isusulong ang mga panukala para sa dagdag na benepisyo sa mga guro. | via Merry Ann Bastasa