Pananambang ng teroristang NPA sa Cordillera, kinondena ng PNP

Mariing kinondena ni Police Regional Office Cordillera (PROCOR) Director PCSupt. Rolando Zambale Nana ang pananambang ng teroristang New People’s Army (NPA) sa Regional Mobile Force Batallion 15 (RMFB 15).

Ang pananambang ng teroristang grupo kahapon sa RMFB 15 sa Mt. Sipitan, Brgy. Aguid, Sagada, Mountain Province ay nagresulta sa pagkamatay ng isang pulis at pagkasugat ng siyam na iba pa.

Kinilala ni Csupt. Nana ang nasawing pulis na si PO2 Henry Dion.

Ayon kay Csupt. Nana, nagsasagawa ang combined team ng security forces ng operasyon upang mapigilan ang mga extortion ng NPA sa lugar nang mangyari ang engkwentro.

Kasunod nito ay agad inatasan ni Csupt. Nana ang local chiefs of police at mga opisyal ng local government unit (LGU) na agad ipagbigay-alam sa PROCOR kung sakaling may mamataan na indibidwal na may tama ng baril.

Mahigpit na ring pinababantayan ang lahat ng entry at exit points sa lugar upang hindi makatakas ang mga terorista. | ulat ni Leo Sarne