Pananabon ng Pangulong Duterte sa mga pulis iskalawag, mensahe na hindi ito kunsintidor sa mga bugok na kagawad ng pulisya 

Pinatunayan lang ng Pangulong Rodrigo Duterte na taliwas sa ibinabato ng kanyang mga kritiko, hindi sa lahat ng panahon ay kanyang kakampihan ang mga pulis.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ipatawag ng Pangulo kahapon sa Malacañang ang mga tinaguriang pulis iskalawag na nakatikim ng pananabon mula mismo sa Pangulo.

Ayon pa kay Roque na dapat maunawaan ng lahat, kasama na ang mga taga-puna ng administrasyon na hindi totoong kahit anong gawin ng mga pulis ay protektado ng Presidente.

Pinatunayan aniya ng Pangulo na hindi nito kinukunsinti ang mga pulis na gumagawa ng mali at sa halip ay siya pa ang unang-una na maglilitis at magpaparusa sa mga ito.

Dagdag ni Roque, talagang masama ang loob ng Pangulo nang harapin nito ang mga pulis na binalikan pa nito pagkatapos ng command conference at doo’y sinumbatan ang mga iskalawag dahil sa mga pinaggagawa ng mga ito kahit pa dinoble na ng pamahalaan ang kanilang suweldo.  | ulat ni Alvin Baltazar