Pamunuan ng MRT-3, humingi ng despensa sa pamemerwisyo ng isang airconditioning unit ng tren

Humingi na ng pasensya ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) MRT-3 sa perwisyong idinulot ng pagtagas ng tubig sa isang airconditioning unit ng isa sa mga tren nito kahapon ng hapon.

Ayon kay DOTr-MRT-3 Spokesperson Goddess Libiran, minsan lamang napalitan ang airconditioning unit system ng MRT-3.   Ito ay noong 2008, walong taon magmula nang unang mag-operate ang MRT-3 noong 2000.

Luma na ang airconditioning units at naipagpaliban ang pag-overhaul nito noong taong 2017 matapos na tanggalin ang dating maintenance provider ng MRT-3.

Tatlo lamang sa 72 train cars ang na-overhaul.

Ang bagong air conditioning units ay inaasahan na darating pa lamang ngayong buwan.

Ang tren na nakunan ng video ay bumabiyahe na ngayong araw matapos na maayos ang air conditioning nito.  | ulat ni Rey Ferrer