Pamumuna ng mga kritiko sa pananalita ng Pangulo, dahilan para hindi baguhin ng Presidente ang kanyang style

Kung inaakala ng mga kritiko na sa pamamagitan ng kanilang banat at puna kay Pangulong Rodrigo Duterte ay magbabago na ito ng kanyang istilo sa pananalita at kilos, nagkakamali sila.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa gitna ng mga reaksiyon sa nabitiwang salita ng Chief Executive sa mga taga-Commission on Audit (COA).

Sinabi ni Panelo na habang pinapansin ng kanyang mga detractors ang kanyang galaw at pananalita, mas lalong kakapit sa ganitong istilo ang Presidente na tiyak aniyang ikakainis lang ng kanyang mga kritiko.

Dagdag ni Panelo na ang ganitong karakter ng Presidente kung tutuusin ang isa sa mga nagdala sa kanya sa pagka-Pangulo, at wala aniya itong planong baguhin para lang mapaunlakan ang iilan gaya ng mga nasa oposisyon.

Impossible dream ani Panelo sa mga kritiko kung sa tingin nila’y magagawa nilang mapabago ang Presidente sa style nito, kasabay ng pahayag na wala rin naman sila talagang maaasahang mabubuting maririnig sa oposisyon na wala nang makitang maganda sa ginawa ng Pangulo.  | ulat ni Alvin Baltazar