Pamimigay ng Special Risk Allowance sa health workers, muling itutuloy ng DOH

Tuloy na muli ang pamimigay ng Department of Health (DOH) ng Special Risk Allowance sa health workers.

Nakasaad sa inilabas na Administrative Order 42 na pirmado ng Pangulo, na ipagpapatuloy ng DOH ang pagbibigay ng COVID-19 Special risk allowance, sa public at private health workers na direktang tumutugon o gumagamot sa mga COVID-19 patients, sa panahon ng State of National Emergency.

Layunin nitong kilalanin ang kabayanihan at hindi matatawarang kontribusyon ng health workers sa buong bansa, na matapang na humarap at inilalagay ang sariling buhay sa panganib, para tugunan ang banta ng COVID-19.

Pro-rated ang ibibigay na special risk allowance base sa bilang ng araw na ipinasok sa trabaho ng isang health worker sa loob ng isang buwan.

Kailangan ding certified ito ng Head of Hospital, laboratoryo, quarantine facility o authorized representative mula September 2020, hanggang June 30, 2021.

Matatandaang nag-expire na noong December 19 2020 ang pamimigay ng DOH ng Special Risk Allowance, na nasa ilalim ng Bayanihan-2.