Pamilya ng health workers at OFWs, pinagtibay na maisama sa A1 priority group

Ilang mga sektor ang inaprubahan ng Inter Agency Task Force (IATF), na maisama sa ilalim ng A1 priority group kaugnay ng ginagawa ngayong vaccination program ng pamahalaan.

Sa anunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasama na sa nabanggit na priority group ang immediate family members ng mga health worker.

Kasama na din sa A1 group ang mga papaalis na overseas Filipino workers (OFW), apat na buwan mula sa petsa ng kanilang pagbabakuna.

Pasok naman sa kabilang banda sa A4 group ang government employees at mga nasa Government Owned and Control Corporation (GOCC), local government unit at informal settlers, pati na ang mga self- employed na lumalabas para sa kanilang hanapbuhay.

Maging ang mga nagtatrabaho sa pribadong sektor, na kailangan ang kanilang pisikal na presensiya sa kanilang hanapbuhay ay isinama na din sa A4 priority group.