Pambubugbog ng mga lower classmen sa mga bagong PNPA graduates, bahagi ng tradisyon — PNP Chief

Kinumpirma ni PNP Chief PDG Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na ang pambubugbog na ginagawa ng mga lower classmen sa mga bagong graduate na upperclassmen ng PNPA ay dati ng tradisyon sa PNPA.

Pero ayon sa PNP Chief, ang kanilang pagkakaalam ay matagal na itong naipatigil.

Pagkakataon aniya ito ng mga nakababatang kadete na suklian ang pagpapahirap sa kanila ng mga upperclassmen.

Sa Philippine Military Academy aniya, ang tradisyong ito ay tinatawag na “dunking” kung saan itinatapon ng mga batang kadete ang kanilang mga ga-graduate na upperclassmen sa fountain, pagkatapos silang “patayin sa kiliti”.

Ayon kay Dela Rosa, kung naging dating tradisyon ang pambubugbog sa mga bagong graduate ng PNPA, hindi ito pinapaboran ng PNP dahil ito’y nagriresulta sa “culture of violence” kung saan gantihan na lang ang nangyayari.

Pero, binigyang-diin ni Dela Rosa na hindi sakop ng PNP ang PNPA at ang Philippine Public Safety Colleges ang nagpapalakad dito.

Kung naibalik na naman aniya ang tradisyong ito sa PNPA ay kailangang ipatigil uli ito. | via Leo Sarne