Pambobomba sa Cotabato, kinondena ni Peace Adviser Galvez

Kinondena ni Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez Jr. ang pambobomba sa Cotabato City nung bisperas ng Bagong taon.

Kasabay nito, ipinaabot ni Galvez ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng mga namatay sa insidente, at nag-alay ng panalangin para sa mabilis na paggaling ng mga nasugatan.

Ayon kay Galvez, itinuturing niyang isang hamon ang insidente sa pagsisikap ng pamahalaan na matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Kaugnay nito, nanawagan si Galvez sa lahat na maging mahinahon at iwasang magpakalat ng espekulasyon tungkol sa insidente.

Tiniyak naman ni Galvez na nanatiling “on top of the situation” ang security forces ng pamahalaan.

Dalawang katao ang nasawi at hindi bababa sa 30 ang nasugatan sa pagsabog ng isang improvised explosive device (IED) noong Linggo ng hapon sa tapat ng South Seas Mall sa Cotabato.  | ulat ni Leo Sarne