Pamamahagi ng SAP at social pension sa Itbayat, Batanes, sinimulan na

Sinimulan ng ipatupad kahapon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office ng Itbayat, ang pamamahagi ng subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Ang pay out ay isinasagawa sa Itbayat Covered Court, at inaasahang magtatagal hanggang sa Huwebes, April 30, na huling araw na itinakda ng DSWD upang ipamigay ang SAP Cash Aid.

Sa anim na barangay sa munisipyo, ay 146 lamang ang napabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo, na mabibigyan ng ₱5,500 na cash assistance mula sa ahensya.

Samantala, bukod sa SAP, ay kasalukuyan ding isinasagawa ang pamamahagi ng social pension sa 314 na senior citizens sa Bayan ng Itbayat, kung saan bawat pensioner ay makakatanggap ng ₱3,000 o katumbas ng anim na buwang pension, mula Enero hanggang Hunyo nang kasalukuyang taon.