Pamamahagi ng Pfizer COVID-19 vaccine, dapat naaayon pa rin sa priority list

Ipinaalala ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co na sundin ang vaccine prioritization list sa pamamahagi ng Pfizer COVID-19 vaccines.

Ayon sa mambabatas, mayroon pang mga frontline healthcare workers ang hindi pa nababakunahan.

Bilang nasa A1 category, sila aniya ang dapat i-prioritize sa pamamahagi ng naturang bakuna.

Matapos nito ay saka aniya isunod ang nasa A2 o yung mga senior citizens lalo na ang mga may co-morbidities at PWDs.

Diin nito na ang pamamahagi ng bakuna ay alinsunod dapat sa priority list na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) at hindi dahil sa economic status.

Kung tutuusin aniya nasa B category pa dapat ang general populace ng indigent individuals na nasa milyon ang bilang.

Mas mainam aniya na sundin ang listahan kaysa haluan ng pulitika ang pamamahagi ng Pfizer vaccine.