Pamamahagi ng ECQ assistance, food packs, at iba pang programa ng pamahalaan, nagpapatuloy

Nagpapatuloy ang distribusyon ng ECQ assistance sa mga benepisyaryo na nasa ilalim ng NCR+ bubble.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng inilabas na pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology (DOST) na 6 sa bawat 10 pamilyang Filipino ang kakaunti ang nakakain bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa kalihim, batid ng pamahalaan na magre-resulta ng kagutuman kung hindi makapagtra-trabaho ang mga Pilipino. Ito aniya ang dahilan kaya’t kahit naisin ng pamahalaan na pahabain pa ang lockdown, ay hindi ito ipinatutupad sa pagnanais na mabalanse ang epekto ng mga paghihigpit sa movement ng publiko, sa kabuhayan ng mga Pilipino.

“Kaya nga po gustuhin man natin na pahabain pa talaga itong lockdown na ito ay talagang napakahirap po ng desisyon dahil tinitimbang din natin iyong kahirapan na magiging bunga ng lockdown.” pahayag ni Secretary Roque.

Sa kasalukuyan aniya, nagpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan. Nariyan rin aniya ang food packs mula sa DSWD at mga lokal na pamahalaan.

“Sa ngayon po ang solusyon po natin diyan ay iyong ating mga ayuda at saka iyong pagdi-distribute pa rin po ng mga food packs ng DSWD at mga lokal na pamahalaan na ito naman po ay over and above doon sa ayuda na binibigay natin.” saad ni Secretary Roque.
 
Bukod dito, nariyan rin aniya ang TUPAD program ng DOLE upang matulungan ang mga nawalan ng trabaho, maging ang pautang ng pamahalaan sa mga maliliit na negosyante.

“At nandiyan din po iyong TUPAD, nandiyan din po iyong mga pautang ng mga Small Business Corporation at ng ating Department of Finance para naman po makatulong din doon sa mga nawalan ng trabaho.” dagdag pa ni Secretary Roque.

Ayon sa kalihim, ginagawa na ng pamahalaan ang lahat, upang tugunan ang problema sa kagutuman ng mga Pilipino, sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“So ginagawa po natin ang lahat para matugunan po itong problema ng kagutuman sa panahon ng pandemya, pero alam po natin na mas marami pang dapat gawin.” ani Secretary Roque.