Pamalahaan, wala pang natatanggap na ulat kaugnay sa mga Pilipino sa Israel na nais nang umuwi sa bansa

Wala pang natatangap na ulat ang pamahalaan kaugnay sa mga Pilipino sa Israel na humihingi ng tulong o nais nang umuwi sa Pilipinas sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan doon sa pagitan ng mga militante ng Palestine at militar ng Israel.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) International Labor Affairs Bureau Director Alice Visperas, aktibo ang Labor Attache ng bansa sa Israel, sa pag-uulat o pagbibigay ng update sa DOLE kung ano na ang pinakahuling sitwasyon doon.

Base sa kanilang datos, mayroong 19,000 documented OFWs ang nananatili ngayon sa Israel, habang 6,000 naman ang undocumented.

Sa kasalukuyan, wala pa naman aniyang napapaulat na Pilipinong nasaktan, o humihingi ng tulong upang makauwi na sa bansa.

Nananatili rin aniyang ligtas ang mga tauhan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) doon, na una na ring nakapagpalabas ng abiso sa mga OFWs sa Israel na manatili na lamang muna sa kanilang mga tahanan o pinagta-trabahuhan, at iwasan munang lumabas, upang iwas disgrasya.

Ang pamahalaan aniya ay patuloy na naka-monitor sa pinakahuling sitwasyon doon.