Pamahalaang lokal ng Taguig, susuplayan na ng murang bigas ng mga magsasaka sa Tarlac – DA

Direkta na ring bibili ng bigas ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa Metro Manila sa mga magsasaka sa lalawigan ng Tarlac.

Ito ang pagtiyak ni Agriculture Secretary Manny Piñol, kasunod ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement.

Dalawang grupo ng rice farmers mula sa Tarlac City ang magsu-suplay sa rice requirement ng Taguig City base sa kanilang computed rice consumption.

Sinabi pa ng kalihim, maglalagay ng mga rice outlet ang LGU sa ibat-ibang barangay sa lungsod na pangangasiwaan ng ilang women’s groups sa ilalim ng kanilang superbisyon.

Plano din ng DA na gawin ang kahalintulad na konsepto sa mga LGUs ng Quezon City, Manila, Pasay, Pasig, Mandaluyong, Caloocan, Navotas at iba pang lugar sa Metro Manila.

Hinimok ni Piñol ang mga LGUs na maglagay ng mga rice processing center sa kanilang lugar na may potensyal na kikita ng hanggang P50-60 Million kada cropping season at mapagbentahan pa ng murang bigas ang kanilang mga mamamayan.  | ulat ni Rey Ferrer