Pamahalaan, walang nakikitang pangangailangang magsagawa ng loyalty check sa hanay ng PNP at AFP

Kampante ang gobyerno na nananatili ang loyalidad ng mga pulis at sundalo sa umiiral na Konstitusyon.

Sa panayam kay Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC Eduardo Año sa Camp Vicente Lim sa Calamba City, naniniwala itong hindi kailangang magsagawa ng loyalty check.

Kumbinsido si Año na hindi magtatangkang pumasok sa tinatawag na “adventurism” ang hanay ng pulis at militar lalo na’t batid ng mga ito kung paano sila pinagmamalasakitan ng Commander-in-Chief.

Tiwala din si Año na mahihirapan ang sinumang grupo na hikayatin ang mga sundalo na sumanib sa kanila at mag-aklas laban sa kasalukuyang liderato ng bansa o sa Duterte administration.

Pawang propesyunal na aniya ang mga sundalo at hindi basta-basta susuong sa mga bagay na ikasisira hindi lang ng kanilang buhay pati na rin ng kanilang karera.  | ulat ni Alvin Baltazar